Naglabas ng bagong guidelines ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para protektahan ang karapatan ng mga batang nagtatrabaho sa showbiz.
Ito ay bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya sa child labor at selebrasyon ng National Children’s Month ngayong buwan ng Nobyembre.
Sa ilalim ng batas ng bansa, ipinagbabawal ang pagtatrabaho ng mga bata bagama’t nananatiling exception sa industriya ng entertainment at public information.
Batay sa bagong guidelines, hindi na maaaring magtrabaho ng lalampas sa apat na oras kada araw at lampas 20 oras kada linggo ang mga batang 15 taong gulang pababa.
Bawal na rin silang magtrabaho sa pagitan ng alas-8 ng gabi sa hanggang alas-6 ng umaga sa susunod na araw.
Nilinaw rin ng kagawaran na kasama na sa apat na oras ang lahat ng proyekto at mga eksenang dapat kunan sa gabi.
Anila, dapat kunan ang mga night scenes na gaganapan ng mga bata tuwing daytime at iadjust ang production equipment na tila parang gabi.
Hinihikayat din ang mga television networks sa pag-tetape ng mga nakatakdang performance ng mga bata sakaling nakaschedule ito lagpas alas-8 ng gabi.
Nagpaalala naman ang DOLE sa mga magulang at employers na required ang working child permit ng mga bata kahit pa ang role ng mga ito ay non-profit or para sa political advertisements.
Magsisimula ang pagpapatupad sa mga bagong guidelines na ito mula January 1, 2018.