Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, natapos na ng PDEA ang kanilang imbestigasyon at kumbinsido ang ahensya na mayroong probable cause para sampahan ng kaso ang mga nasasangkot dito.
Kasong drug trafficking aniya ang isasampa ng PDEA, at kabilang sa mga kakasuhan ay mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) na nadadawit sa isyu.
Inihayag ito ni Roque matapos bumuo ang Office of the Ombudsman ng fact-finding panel para imbestigahan na rin ang kontrobersyal na shipment.
Matatandaang ilang pagdinig na rin sa Kongreso ang isinagawa para imbestigahan ang pagpasok ng mahigit 600 kilo ng shabu sa bansa.
Dito rin ibinunyag ng Customs broker na si Mark Taguba na may mga opisyal ng Customs na tumatanggap ng “padulas” na pera para mapabilis ang paglusot ng ilang mga kargamento.