Security guard, arestado sa pagnanakaw ng P100 na barya sa isang lolo sa Sta. Mesa, Manila
Napaiyak na lamang ang isang lolo matapos siyang nakawan ng P100 na barya habang natutulog sa kanyang kariton sa ilalim ng tulay sa Legarda St, Brgy. 420, Sta Mesa, Maynila.
Ang suspek, isang security guard na nakilalang si Rizaldy Sema, 36 anyos at residente ng Brgy. Sungay East, Tagaytay, Cavite.
Ayon kay Jose Canita, pahirapan pa naman ang kanyang pag iipon ng pera sa pangangakal ng plastic at bote pero ganito pa ang kanyang sasapitin.
Sa CCTV footage ng Barangay 420 Zone 43, makikita pa ang suspek na nag-iikot sa ilalim ng tulay.
Dito na pala nito minamatyagan ang biktima na kalaunan ay ninakawan na niya ng pera.
Kwento ng Brgy. Kagawad na si Enrique Concepcion, nagro-roving sila sa kanilang lugar dahil may mga nauna na silang natanggap na report na may mga nag-eeskoba o nagnanakaw habang natutulog sa kanilang lugar at natyempuhan naman nila si Sema.
Nahuli aniya sa akto ang magnanakaw na tumangay ng pera mula sa lolo.
Sa pagharap sa Manila Police Station 4, iginiit ng sekyu na aminadong nakainom, na hindi niya magagawa ang naturang bagay lalo pa’t mayroon naman siyang sapat na pera at nag aabang lamang siya ng masasakyan pauwi ng kanilang bahay.
Dahil dito, mahaharap ang suspek sa kasong theft.
Nagpaalala naman ang otoridad sa mga naninirahan sa gilid ng kalsada na mag ingat sa masasamang loob lalo na kung may mga pera na dala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.