DOTr, magsisilbing maintenance provider ng MRT sa susunod na 3 hanggang 6 na buwan

By Mariel Cruz November 07, 2017 - 09:39 AM

Inihayag ng Department of Transportation na gobyerno muna ang magsisilbing maintenance provider ng Metro Rail Transit o MRT-3.

Ito’y matapos kanselahin ng DOTR ang maintenance contract ng Busan Universal Rail Inc. (BURI) dahil sa araw-araw na aberyang nararanasan ng mga pasahero.
Partikular na dito ang insidenteng nangyari noong nakaraang Linggo kung saan umusok ang isa sa mga tren ng MRT.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni DOTr Undersecretary Cesar Chavez na sa susunod na tatlo hanggang anim na buwan ay sila muna ang mamamahala sa pagpapatakbo ng MRT.

Mas gugustuhin aniya nilang murahin sila ng publiko kaysa makita nilang malalagay sa kapahamakan ang riding public dahil sa mga aberyang nararanasan ng MRT.

“Kami na muna ang magpapatakbo, tatanggapin namin ang pagmumura ng ating mga kababayan, lalo na sa umaga. Ang importante sa amin, di bale kaming murahin, wag lang makitang umiiyak sila dahil lang sa aksidente,” ani Chavez.

Sa katunayan, ani Chavez, gumawa na sila ng maintenance transition team, at kinabibilangan ito ng mga tao na nakasama nila sa LRT Line 1 at 2, maging mga senior technicians ng LRTA at nagpadala na din ang Philippine National Railways ng mga engineer.

Hiningi niya aniya ang tulong ng mga ito dahil mas matagal na ang karanasan nila sa pagpapatakbo ng mga tren.

“Nagcreate tayo ng maintenance transition team. Kahapon, ala-una ng madaling araw, dumating yung dating mga kasama natin sa Line 1 at Line 2. Sabi ko, yung institutional memory, may more or less 30 years kayong experience sa ganitong proseso, kailangan ko at tumutulong sila ngayong dito sa atin, at yung mga senior technician din ng LRTA nandito sa atin ngayon. Yung PNR nagpadala ng engineers,” pahayag ni Chavez.

Bukod dito, binanggit din ng opisyal na tatlong malalaking kumpanya ang interesado na maging maintenance provider ng MRT.

Kabilang na dito ang maintenance provider ng Japan, RAPT maintenance provider ng LRT Line 1 at Singapore MRT.

Ani pa ni Chavez, ang magiging trabaho ng kukunin ng DOTr na bagong maintenance service provider ay bumili ng spare parts na consumable at capital at ang rehabilitation sa MRT.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.