Driver nina Trangia, itinangging siya ang naghatid kina Solano at Atio Castillo sa ospital

 

File photo

Mariing itinanggi ng driver ng pamilya Trangia na siya ang nagmaneho ng sasakyan na nagdala kay Horacio “Atio” Castillo III sa Chinese General Hospital pagkatapos ng initiation rites na kaniyang ikinasawi.

Si Ralph Trangia na isa sa mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity, ay isa rin sa mga pangunahing suspek sa pagkamatay ni Atio.

Bukod sa kaniya ay nahaharap din sa kaso ang kaniyang inang si Rosemarie dahil sa pagsama sa kaniya nang bigla itong lumipad patungong Amerika, habang ang ama naman niyang si Antonio ay nadawit dahil siya ang may-ari ng nasabing sasakyan.

Sa pagharap niya sa pagdinig sa Senado, iginiit ni Romeo Laboga na kasama niya si Antonio sa Bancal, Meycauaya, Bulacan nang isugod si Castillo sa ospital.

Nanindigan din si Laboga na hindi pa siya nakapagmaneho at hindi pa niya nakikita ang nasabing pulang pick-up dahil ang minamaneho lang niya ay isang Pajero.

Una nang sinabi ni John Paul Solano na si Labog ang nagmaneho ng nasabing sasakyan para maihatid niya si Castillo sa ospital.

Gayunman, sinabi umano ng miyembrong si Marc Ventura kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na pick-up at driver ng Grand Praefectus nila na si Arvin Balag ang dumating para dalhin sa ospital si Castillo, at hindi ang kina Trangia.

Read more...