Isa patay, isa sugatan matapos masagasaan ng truck sa Quezon City
Patay ang isang babae habang sugatan naman ang kinakasama nito matapos silang masagasaan ng trailer truck sa kahabaan ng Quirino Highway, sa may bahagi ng Barangay Talipapa, Quezon City.
Kinilala ang biktimang dead on arrival sa Quezon City General Hospital na si Maribeth Barde, dalawapung taong gulang at ang live-in partner nito na si Cris Bernal na kasalukuyang inoobserbahan sa naturang ospital.
Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Traffic Sector 6, binabaybay ng mga nakamotorsiklong mga biktima ang kahabaan ng Quirino Highway nang bumukas umano ang pintuan ng isang AUV na tumama sa motor ng dalawa, dahilan para matumba ang dalawa.
Hindi naman napansin ng driver ng isang trailer truck ang mga biktima, dahilan para masagasaan si Barde.
Paliwanag ng driver na si Jaime Gutang, hindi mabilis ang kanyang takbo at sadyang hindi niya napansin ang mga biktima.
Aniya, sumingit kasi ang mga biktima sa pagitan ng kanyang truck at AUV.
Mahaharap si Gutang sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, physical injuries, at damage to property.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.