Kontrata ng maintenance provider ng MRT-3, kinansela na ng DOTR

 

Kinansela na ng Department of Transportation (DOTr) ang kanilang maintenance contract sa Busan Universal Rail Inc. (BURI).

Sa gitna ito ng araw-araw na aberyang nararanasan ng mga pasahero ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3), partikular na ang insidenteng nangyari noong Linggo kung saan umusok ang isa sa mga tren.

Ayon kay Transport assistant secretary for legal affairs Atty. Steve Pastor, inihain ng DOTr sa BURI ang kanilang pinal na desisyon na kanselahin na ang kanilang kontrata sa kumpanya para sa maintenance ng MRT-3.

Ito ay dahil umano sa kabiguan ng BURI na solusyunan ang mga isyung isinaad nila sa kanilang notice of termination noong nakaraang buwan.

Nakasaad sa desisyong nilagdaan ni Transport Sec. Arthur Tugade noong November 3 na pawang “poor performance” ang ipinakita ng BURI, kasabay ng kabiguan nitong maisalang sa operasyon ang mga matitibay at maayos na mga tren.

Giit ni Tugade sa desisyon, nakataya dito ang kaligtasan at interes ng mga pasahero.

Ani pa Tugade, hindi nila kayang maupo na lang at pagmasdan ang BURI na ilagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga pasahero dahil sa kanilang substandard na maintenance.

Read more...