Sinabi ng lider ng Aegis Juris Fraternity na si Arvin Balag na dapat nang alisin ang anumang uri ng hazing para sa mga sasali sa anumang grupo o fraternity.
Sa kanyang tugon sa tanong ni Sen. Ping Lacson kaugnay sa mga dapat na maging amyenda sa anti-hazing law, sinabi ni Balag na dapat gawing mabilis ang abolisyon ng hazing.
Gayunman ay nanatiling tahimig ang nasabing opisyal ng Aegis Juris sa ilang mga tanong ng mambabatas hingil sa mga pangyayari noong araw na napatay ang neophyte na si Horacio “Atio” Castillo III habang sumasailalim sa initiation rites ng grupo.
Sinabi naman ng ama ni Atio na si Horacio Jr. na walang puwang sa anumang grupo o samahan ang pananakit o hazing.
Isa umano ito ng uri ng senseless initiation na hindi na kailangan sa isang matinong lipunan.
Humarap rin sa pagdinig ng Senado kanina si Marc Anthony Ventura na naging matipid rin sa pagbibigay ng sagot sa mga tanong ng mga mambabatas.
Ikinatwiran ni Ventura na hindi pa siya lubos na napapasailalim sa Witness Protection Program ng pamahalaan kaya maingat lamang siya sa pagsagot sa mga tanong.
Sinabi rin ni Ventura na nakausap niya si Atio bago ang ginanap na initiation at sinabi nito na gusto niyang hanapin ang kanyang “purpose” sa mundo.
Ayon kay Ventura, sinabihan niya si Atio na siya mismo ang makakahanap ng mga sagot sa kanyang mga tanong.
Sa kanyang isinumiteng affidavit sa DOJ, Sinabi ni Ventura na nag-collapsed si Atio sa ika-apat na palo sa kanyang braso ng paddle at doon na umano natigil ang initiation rite para sa nasabing biktima.