WATCH: Outpost ng Barangay sa Pasay City na itinayo sa sidewalk, giniba ng MMDA
Giniba ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang outpost ng barangay sa Pasay City na itinayo mismo sa sidewalk.
Sinaksihan mismo ni MMDA Chairman Danilo Lim ang pagwasak sa outpost ng Barangay 79 sa kanto ng Taft Avenue at Cuneta Avenue na ginamitan ng maso para magiba ang kongkretong istraktura.
Hindi pinakinggan ni Lim ang pakiusap ni Barangay Captain Dexter Mangorangca na huwag ituloy ang paggiba sa outpost na katabi lang ng kanilang barangay hall.
Aminado naman si Mangorangca na nasa bangketa ang kanilang outpost at aniya noong nakaraang taon lang niya ito ipinatayo.
Katuwiran naman ng barangay official pinagawa nila ang outpost para sa pagbabantay ng kanyang mga tanod sa paligid, kasama na ang isang malaking shopping mall.
Kinumpiska rin ng MMDA ang mga salaming bintana at pintuan ng outpost.
Samantala, pinaalis din ng MMDA ang sidewalk vendors sa kanto ng Taft Avenue at E. Rodriguez St., sa Baclaran.
At gaya ng mga naunang sidewalk clearing operations sa lugar hindi naman kinumpiska ng MMDA ang mga paninda ng mga vendors.
Ayon kay MMDA clearing operations supervisor hindi sila magsasawang balik-balikan ang lugar hanggang sa matuto ng disiplina ang mga vendors.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.