Nagsagawa ng Oplan Greyhound ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Quezon City Jail.
Maagang ginising ang mga preso at pinalabas ng kani-kanilang selda.
Walang damit na pang-itaas at tanging shorts o boxer shorts lamang ang suot ng mga bilanggo nang sila ay palabasin ng selda at pauupuin sa basketball court ng Quezon City Jail.
Layon umano nito na matiyak na walang maitatagong kontrabando o bawal na gamit sa kanilang katawan ang mga preso.
Matapos matipon sa court, isa-isa nang pinasok ng mga tauhan ng BJMP at K9 units ang mga selda.
May mga nakuhang bakal at malalaking bato na ginagamit ng mga preso bilang hasaan upang makagawa ng matutulis na bagay.
Kabilang sa nakumpiska ang mga ballpen at maging ang mga toothbrush na hinahasa din umano ng mga bilanggo para tumulis at magamit na pangsaksak.
Isinagawa ang Oplan Greyhound makaraang maganap ang riot noong nakaraang linggo na ikinasawi ng 1 preso at ikinasugat ng hindi bababa sa 10.