Pangulong Aquino, gusto maka-one-on-one ang mga dating opisyal na humaharang sa pagpasa ng BBL
Balak ni Pangulong Benigno Aquino III na komprontahin ang mga retiradong opisyal ng unipormadong hanay na nagdeklara ng pagkontra sa Bangsamoro Basic Law o BBL.
Ito yung mga dating heneral at matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard at Bureau of Jail Management and Penology na nagpalabas pa ng isang full page na open letter o manifesto sa Philippine Daily Inquirer na nagsasabing labag sa saligang batas ang BBL, ang Comprehensive Agreement at ang Framework Agreement on the Bangsamoro na isinusulong ng administrasyon.
Ayon kay pangulo, gusto niyang kausapin ang mga nasabing opisyal para una; ay alamin kung ang mga ito ba talaga ang pumirma sa manifesto at pangalawa; ay usisain kung ano partikular sa BBL ang tinutulan nito.
Gusto ni pangulo na malaman mula mismo sa mga opisyal kung nabasa ba nito ang saligang batas, kung sinu sino ang mga nakausap nitong mga eksperto pati na kung may tagong agenda ba ang mga eksperto na ito.
Ikinasasama kasi ng loob ni pangulo, marami sa mga nakita niyang nakapirma sa open letter ay mga kakilala niya mula pa noong panahon ng EDSA revolution kaya nagtataka siya bakit hindi siya kinausap muna ng mga ito.
Hirit pa ni pangulo, tingin niya ay naging bukas siya sa mga nasabing opisyal kaya sana naging bukas din ito sa kanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.