Tuluyan nang pinutol ng Netflix ang kanilang partnership sa “House of Cards” star na si Kevin Spacey dahil sa patuloy na pagdami ng bilang ng mga nagrereklamo na umano’y minolestiya ng nasabing aktor.
Noong isang linggo lamang ay sinuspinde ng Netflix ang pagpapalabas ng “House of Cards” series.
“Netflix will not be involved with any further production of ‘House of Cards’ that includes Kevin Spacey,” ayon sa pahayag ng nasabing online streaming network.
Bukod sa ilang mga artistang nagreklamo makaraan umano silang gawan ng kahalayan ni Spacey ay ilang mga miyembro ng production staff ng “House of Cards” ang nagsabi na maging sila ay pinasamantalahan ng aktor.
Naglabas na rin ng pahayag si Spacey kung saan ay humingi sila ng patawad sa kanyang sinasabing “inappropriate drunken behavior”.
Nagpasya na rin ang Netflix na hindi na ituloy ang paggawa ng pelikulang “Gore” kung saan ay si Spacey ang bida at tumatayong line producer.