Pagkakaisa laban sa terorismo, isusulong ni Duterte sa ASEAN summit
Isusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ang mas pagpapaigting ng pagkakaisa ng mga bansa laban sa terorismo.
Ayon kay Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano, tatalakayin ni Pangulong Duterte sa mga kapwa niya ASEAN leaders and partners ang patuloy na paglaban sa terorismo.
Aniya, bagaman natalo na ang Islamic State sa Iraq, Syria at sa Pilipinas, hindi ito nangangahulugang tapos na ang laban.
Isa aniyang patunay dito ang nangyaring pag-atake sa New York at sa iba’t ibang bahagi pa ng mundo kamakailan.
Paliwanag ni Cayetano, sa magaganap na ASEAN Summit ngayong buwan, mas palalalimin at patitibayin ng Pilipinas ang ugnayan nito sa mga kaalyadong bansa.
Layon nitong mas paigtingin pa ang bahagian ng intelligence information na magagamit sa pagsugpo sa terorismo, pati na ang mga pagsasanay at pagbuo ng mga resources.
Samantala bukod sa terorismo, isa pa sa mga inaasahang mapag-uusapan sa pagpupulong ang nuclear weapons program ng North Korea, pati na ang agawan ng teritoryo sa South China Sea.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.