Hindi na kinakailangan pang dumaan ni incoming Presidential Spokesperson Harry Roque sa pagsisiyasat ng Commission on Appointments ayon kay Senate President Koko Pimentel.
Naniniwala si Pimentel na dapat nang ipaubaya sa pangulo ang buong desisyon kung sino ang iluluklok niya bilang tagapagsalita gaya sa mga posisyon ng presidential legal counsel, at executive secretary.
Ayon kay Pimentel, hindi gaya ng ibang miyembro ng gabinete, walang pinamumunuang kagawaran ang presidential spokesman.
Dumaraan muna ang mga opisyal ng kagawaran sa mga pagdinig ng C.A na binubuo ng mga mambabatas, bago opisyal na maupo sa kanilang posisyon.
Si Roque ang magsisilbing bagong tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa November 6, kapalit ni Usec. Ernesto Abella.