Dalawa lamang ang naging marching order ni Pangulong Rodrigo Duterte kay incoming Presidential Spokesman Secretary Harry Roque.
Sa kanyang kauna-unahang press briefing sa palasyo, sinabi ni Roque na tanging bilin sa kanya ng pangulo ay isipin sa kung ano ang tama para sa bansa at huwag magsinungaling.
Kasabay nito, sinabi ni Roque na magkakaroon na ng hiwalay na opisina ang Office of the Presidential Spokesman sa Presidential Communications Operations Office dahil sa binigyan siya ng pangulo ng isang cabinet rank.
Gayunman, tiniyak ni Roque na bagama’t maghihiwalay na ng tanggapan ang OPS sa PCOO, magkakaroon pa rin ng close coordination ang dalawang tanggapan.
Sa ngayon, naglatag na si Roque ng bagong pamantayan sa pagsasagawa ng press briefing.
Tatlong beses kada linggo ang magiging briefing sa Malacañang, tuwing Lunes, Martes at Huebes.
Kada araw ng Miyerkules niya ay gugugulin niya ang press briefing sa Marawi City para personal niyang makita ang development sa ginagawang rebuilding and reconstruction program sa lungsod, habang ang Biyernes naman ay kaniyang ibibiyahe patungo sa ibang mga probinsiya para roon naman magdaos ng press briefing.
Balak din ni Roque na magsagawa ng regular na press briefing sa Marawi City.
Matatandaang noong panahon ni dating Presidential Spokesman Ernesto Abella, nasa ilalim ng PCOO ang OPS at binigyan lamang ng ranggong undersecretary ang dating tagapagsalita ni Pangulong Duterte.