Motorcyle rider, sinalpok ang isang SUV sa Mindanao Avenue, Quezon City
Sugatan ang isang motorcycle rider matapos nitong salpukin ang isang SUV sa kahabaan ng Mindanao Avenue sa lungsod Quezon.
Kinilala ang rider na si Angelito Angeles, tatlumpu’t siyam na taong gulang at residente ng Sta. Ana, Maynila.
Ayon sa driver ng Montero Sport na binangga ni Angeles na si Jessie Lumiguen, anim silang sakay ng SUV na may plakang WOF 957.
Pauwi na sila galing Pangasinan at mag-u-u turn sana para makauwi ng Fairview, Quezon City nang banggain sila mula sa likod ni Angeles.
Sa lakas ng impact ng pagbangga ay nabasag at natanggal ang salamin ng SUV sa likod.
Nayupi rin ang likurang bahagi ng sasakyan, habang wasak naman ang unahang bahagi ng motor.
Mabuti na lamang at mayroong suot na helmet si Angeles at hindi nadamay ang kanyang ulo sa pagbangga ng kanyang motor.
Kwento pa ni Lumiguen, amoy alak si Angeles at mabilis ang takbo nito.
Kung babayaran naman aniya ni Angeles ang sira ng kanyang sasakyan ay hindi na siya magsasampa ng kaso.
Samantala, dinala na sa Pacific Global Medical Center si Angeles para gamutin ang kanyang mga natamong sugat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.