Ayon kay MMDA operations supervisor Bong Nebrija, inaasahan na nila ang pagsikip ng trapiko sa mga bahagi ng Pasay City, Makati City at Balintawak sa Quezon City.
Ito kasi ang mga karaniwang dinadaanan ng mga motoristang manggagaling sa North Luzon Expressway at South Luzon Expressway.
Dahil dito, hinimok ng MMDA ang mga motorista na gamitin ang mga “Mabuhay Lanes” sa kahabaan ng EDSA para makaiwas sa matinding trapik.
Ani Nebrija, inaasahan ang dagsa ng mga mag-uuwian na mga tao ngayong araw, November 2, dahil hindi na ito holiday.
Para naman hindi na makadagdag pa sa trapiko, tiniyak ng MMDA na mahigpit nilang ipagbabawal sa mga bus ang pagsasakay, pagbababa o kahit ang paghinto lang ng ilang minuto sa labas ng mga terminal sa kahabaan ng EDSA.
Ito kasi ang madalas na dahilan ng trapik dahil naiipon ang mga bus na nakabalagbag sa kalsada kaya sumisikip na ang daanan ng iba pang mga motorista.