“Si PO2 Romeo Cempron ang nasa video at hindi isang Caucasian national”-Napeñas

By Arlyn Dela Cruz September 15, 2015 - 10:37 AM

romeo cempronWalang Amerikano o dayuhan na kasama sa isinagawang Oplan Exodus ng Special Action Forces ng Philippine National Police sa Mamasapano, Maguindanao noong ika-25 ng Enero 2015.

Sa eksklusibong panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni retired Director at dating SAF-Commander Getulio Napeñas na ang ipinakitang nasa larawan ay hindi isang Caucasian, Amerikano o dayuhan kundi si PO2 Romeon Cempron na kabilang sa 44 na SAF troopers na namatay sa Mamasapano.

“Yang lumabas na picture na yan si PO2 Cempron yan na Caucasian looking at inamin na namin noon pa na mayroon kaming isang tao na Caucasian looking at si P02 Cempron nga iyon. When you say buddy, tawagan yun, dalawa kayo mag buddy kayo, dual na tawagan ng buddy”, paliwanag ni Napeñas sa kung sino ang nasa grab picture mula sa isang 8-minute video clip na kung saan makikita ang mga bangkay ng mga namatay na tropa ng pamahalaan sa Mamasapano.

Inamin ni Napeñas ang tulong ng Estados Unidos sa Oplan Exodos ngunit ito aniya ay limitado lamang at hindi kasama ang pagsama ng sinumang tropang Amerikano sa isinagawang operasyon sa Mamasapano target terrorist na si Malaysian national Zulkifli bin Hir alias Marwan. Dagdag pa ni Napeñas, ito ay inamin na rin nila sa lahat ng pagdinig na isinagawa tungkol sa Mamasapano operation. “Within the limit ng agreement ng dalawang bansa, intelligence-sharing, humanitarian assistance, training, investigation assistance, kasama sa agreement yan at naipaliwanag na rin yan ng DFA (Department of Foreign Affairs) sa Senado noon,” ani Napeñas.

Handa si Napeñas sakaling magkaroon muli ng imbistigasyon sa kung ano talaga ang nangyari sa Mamasapano noong Enero ng kasalukuyang taon. “Yes, walang problema, OK kami doon. Kung anong katotohanan ang sinabi ko noon, iyon din ang sasabihin ko dahil iisa lang ang katotohanan, “ giit ni Napeñas.

Ang pagbuhay na muli ng usapin ng Mamasapano Operation at SAF-44 ay nag-ugat sa pahayag ng pangulo na mayroong “ibang lead at ibang version” sa kung ano ang totoong nangyari sa Mamasapano noong Enero 25. Dito nagsimula ang usapin ng “alternative truth”.

Sinabi ito ng pangulo higit pitong buwan na ang nakalipas mula nang maganap ang madugong engkuwentro sa pagitan ng PNP-SAF troopers at pinagsanib na puwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters(BIFF).

Sa Iloilo kahapon, sinabi ni Pangulong Aquino na ang nais lamang niyang malaman ay ang “whole truth and nothing but the truth” o ang “buong katotohanang walang pasubali”.

Sinabi pa ng pangulo na kung may lulutang na bagong testigo at ebidensiya ay hindi niya ganap na isinasara ang kanyang pinto sa “alternative truth”.

TAGS: CaucasianLookingKilledinMamasapanoencounter, CaucasianLookingKilledinMamasapanoencounter

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.