‘Slavery,’ o pang-aalipin, target rin supilin ni Pangulong Duterte
Desidido si Pangulong Rodrigo Duterte na wakasan na rin ang “slavery” o pang-aalipin dito sa bansa, at panagutin ang mga nasa likod nito.
Sa kaniyang pagdating mula sa Japan, inihayag ng pangulo na bukod sa problema ng iligal na droga, nais rin niyang i-abolish ang slavery sa Pilipinas.
“There’s one thing that I would like to abolish in this country. I’m not talking of any particular place, itong slavery,” ani Duterte.
Ayon sa pangulo, ito kasi ang isa sa mga nagdulot ng hidwaan sa pagitan ng mga Kristyano at Muslim sa bansa.
Bukod dito, nais rin niyang wakasan ang problema ng human trafficking, na kabilang na rin sa maituturing na modern slavery.
Giit ng pangulo, matindi ang kakaharaping parusa ng mga mahuhuling dumudukot sa mga tao at ginagawang alipin ang kanilang mga bihag, dahil ipapantay niya ang mga ito sa lebel ng mga durugista.
Halimbawa sa pang-aalipin na nabanggit ng pangulo ay ang tulad sa ginawa ng mga terorista sa mga bihag nila sa Marawi City noong kasagsagan ng bakbakan doon.
Aniya, hahabulin niya ang mga taong ito lalo na kung may umabot sa kaniyang mga ulat o sumbong na nadukot ang kanilang mga anak at ginagawang alipin.
Dagdag ng pangulo, nais na niyang matigil ang slavery dahil hindi ito makatao at hindi dapat ginagawang alipin ang isang tao sa kaniyang buong buhay.
Banta pa ni Duterte, may malaman lang siya na gumagawa nito ay personal pa niyang pupuntahan ito at siya na ang hahawak sa magiging kapalaran nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.