Pagkamatay ng Grade 7 student sa ambush sa Davao Sur, kinondena ng DepEd
Kinondena ng Department of Education (DepEd) ang pagkamatay ng isang estudyante dahil sa naganap na pananambang sa Davao del Sur.
Nasawi kasi ang Grade 7 student na si Jimboy Linkanay nang pagbabarilin ng grupo ng mga hindi nakilalang suspek ang truck na sinasakyan ng mga estudyante ng Kimlawis National High Schoolmula sa Damsu cultural festival na ginanap sa Kiblawan.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa dibdib at hita si Linkanay, habang sugatan din ang walong iba pa niyang mga kasamang pasahero, pati na ang driver.
Sa pahayag na inilabas ng DepEd, iginiit nilang maninindigan sila sa pagkundena sa anumang karahasan, banta o pag-atake sa kanilang mga estudyante, guro at mga tauhan.
Dahil dito, nanawagan ang kagawaran na mas paigtingin ang pagbabantay sa kaligtasan ng mga estudyante, guro at kanilang mga tauhan sa loob man o labas ng paaralan.
Umaasa naman ang DepEd na matutukoy sa imbestigasyon kung sino ang mga nasa likod ng pag-atake, at kung ano ang motibo upang mabigyang hustisya ang nangyari.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.