Wala pang naitatala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na anumang krimen na may kinalaman sa Undas ngayong taon.
Ayon kay NCRPO Spokesperson Chief Insp. Kim Molitas, bagaman marami nang nakumpiskang mga ipinagbabawal na bagay tulad ng matatalim na gamit, playing cards, at flammable objects, wala pang naitatalang Undas-related incident sa mga sementeryo.
Sa ngayon, ani Molitas, ang naitatala pa lamang ay mga batang nahihiwalay sa kanilang magulang sa loob ng sementeryo.
Bumaba din aniya ang bilang ng mga nakumpiskang ipinagbabawal na bagay.
Sinabi din ni Molitas na aabot sa 5,000 na pulis ang ipinakalat ng NCRPO sa mga sementeryo sa buong Metro Manila.
Bukod pa aniya dito ang 3,000 barangay tanod, 9,000 security guards at mahigit isanlibong volunteers na tutulong para maging mapayapa ang paggunita sa Undas.
Muli naman nagpaalala si Molitas sa mga magtutungo sa sementeryo na magdala ng sapat na pagkain at tubig para maiwasan na ang paggastos.
Hinimok din ni Molitas ang mga magulang na pagsuotin ng name tag ang kanilang mga anak at turuan na magtungo sa police assistance desk sakaling mawala sa loob ng sementeryo.