Manila Vice Mayor Isko Moreno, suportado ang truck ban

isko-morenoSuportado ni Manila Vice Mayor Isko Moreno ang pagpapatupad ng truck ban sa Kamaynilaan.

Aniya, malaking tulong ang pagpapatupad ng truck ban sa daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan.

Bilang National President rin ng Vice Mayors League of the Philippines (VMLP), sinabi nya na hindi man pinakasolusyon ang truck ban upang tahasang mawala ang mabigat na trapiko, makakabawas naman ito sa dami ng sasakyang dumadaan sa lansangan na nagiging sanhi pa minsan ng aksidente.

Sakit naman sa ulo ng mga motorista ang matinding trapiko mula Delpan Bridge hanggang Road 10, na minsan ay ikinadedelay na ng ilang kargadong dinadala sa iba’t ibang lugar.

Nilinaw naman ni Moreno na wala na sa hurisdiksyon ng administrasyon ng Maynila, at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang pagmamando sa trapiko, dahil hawak na ito ng “Task Force Pantalan”.

Idinagdag rin ni Moreno na ang kakulangan sa pagpaplano at pagsasaayos ng mga kalsada ang nagiging dahilan ng port congestion, at hindi dahilan ang truck ban upang lalong magsikip ang mga daan.

Aniya, malaking tulong ang Highway Patrol Group sa EDSA, ngunit hindi ito ang permanenteng solusyon sa trapiko sa EDSA.

Paliwanag pa ng bise alkalde, ang patuloy na pagdami ng sasakyan ang dahilan ng pagbigat ng trapiko, kaya dapat dagdagan at palawakin ang mga kalsada, skyways, at ayusin ang public transport system.

Read more...