Appointment ni Roque sa gabinete isang “hollow bluff” ayon kay Lagman
Tinawag na iresponsable ni Albay Rep. Edcel Lagman ang naging pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na babatuhin niya ng hallow blocks ang mga mambabato ng intriga sa pangulo.
Sinabi ni Lagman na “hollow bluff” ang ginagawa ni Roque at higit na mas magaling na tagapagsalita ang kanyang pinalitan na si dating Presidential Spokesman Ernesto Abella na isang pastor.
Dapat umanong itindihin ng bagong kalihim na ang mga puna sa pangulo ay hindi dapat ituring na bahagi ng destabilisasyon kundi isang bahagi ng matatag na democratic institution.
Sinabi rin ni Lagman na ngayon pa lang ay nagpapakita na ng palatandaan ang bagong tagapagsalita ni Duterte na isa itong “vicious silencer” na lagging galit sa mga puna.
Sa kanyang mga naunang pahayag ay sinabi ni Roque na mga walang hiya ang mga kritiko ng pangulo na wala namang ginawa kundi bumatikos kahit na sa mga simpleng isyu lamang.
Inihayag rin ni Roque na marami lang ang naiinggit sa kanya kaya inuulan ng batikos ang pagkakapili sa kanya bilang tagapagsalita ng pangulo.
Sinagot ito ni Lagman sa pagsasabing isang uri ng tragic transformation ang nangyari kay Roque na naunang nakilala ng publiko bilang isang human rights lawyer pero ngayon ay tagapagtanggol na ng mga human rights violator.
Dagdag pa ni Lagman, walang naiinggit kay Roque at ito ay kanya lamang ilusyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.