2 sa 6 na tumakas na preso sa Laguna Provincial Jail, naaresto sa Cavite

INQUIRER FILE PHOTO

Nahuli na ang dalawa sa anim na preso na tumakas at namaril ng jailguard sa Laguna Provincial Jail noong nakaraang Linggo ng umaga.

Ayon kay Rommel Palacol ng Laguna Action Center, nahuli ng mga miyembro ng Cavite police intelligence unit ang nasabing mga pumugang preso sa Barangay Pasong Buaya 1, Imus City sa Cavite alas 9:30 ng umaga ng Martes.

Nakilala ang mga preso na sina Rhandel Vale, na may kasong murder at Romel Macaraig, na may kaso naman carnapping at illegal possession of explosives.

Hindi pa malinaw kung bakit sa Cavite nagtungo ang naturang mga preso na katabing probinsya lamang ng Laguna.

Pero ayon sa isang source na pulis, magkahiwalay na naaresto ang mga preso sa nasabing probinsya.

Samantala, patuloy naman na nagsasagawa ng manhunt operations ang mga pulis laban sa apat pang inmates na nakilalang sina Rayman Caparas Raymundo, Teddy Sarte Bucal, Verjust Daldi Dizon, at Rio Amihan Mahilom.

 

 

 

 

Read more...