LP at Pangulong Aquino, hindi nababahala sa anumang deklarasyon ni Sen. Grace Poe
Hindi ikinabahala ng Liberal Party ang umano’y napipintong pagdedeklara ni senador grace poe sa kanyang presidential bid sa sept 16.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, Vice Chairman ng LP, matagal na niyang sinasabi na sasabak si Poe sa pampanguluhang halalan kung kaya dapat nang itigil ng kanilang partido ang panliligaw sa senadora para makatandem ni Roxas.
Giit ni Drilon, tuloy lamang ang pagbi-build up ng LP para lalong mapatatag ang kandidatura ni Roxas.
Sinabi pa ni Drilon na sa ngayon ay puspusan na ang paghahanap ng LP ng makakatandem ni Roxas.
Samantala, wala namang ikinakatakot si Pangulong Aquino sa nalalapit na announcement ni Sen. Poe sa kanyang kandidatura sa pagka-presidente.
Katunayan, sinabi ni Pangulo sa isang panayam sa iloilo na gusto nilang pakinggan kung ano man ang gustong sabihin ng senadora.
Iginiit ni Pangulo na walang dapat na ikabahala sa gagawin ni Poe dahil ang pinaninindigan ng kanilang partido ay isang partikular na plataporma at hindi personalidad lamang.
Dagdag ni Pangulo, ano man ang iaanunsyo ng senadora, mananatili silang nakasandal sa prinsipyo ng platform based governance at hindi personality politics.
Matatandaang tuloy na tuloy na ang pagdedeklara ni Poe sa kanyang presidential bid sa September 16 sa Bahay ng Alumni sa University of the Philippines sa Diliman, Quezon City.
Ayon sa source, magsisimula ang programa ng alas tres ng hapon at magbibigay ng talumpati si Poe ng alas sais ng gabi.
Sinasabing ang mga tagasuporta ni Poe ang nag-organisa sa programa.
Wala namang alam si Sen. Tito Sotto sa nasabing deklarasyon ni Poe pero iginiit niya na nakahanda siyang dumalo sakaling imbitahin siya.
Sa panig naman ni Senador Sergio Osmena, non event para sa kanya ang napipintong deklarasyon dahil aniya, “not surprising at anti climax” na ito.
Nauna nang tahasang sinabi ni Osmena na hindi niya susuportahan ang senadora sakaling tumakbo sa pagka-presidente dahil payo niya kay Poe, tumakbo na munang vice president para magkaroon ng sapat na karanasan sa pamamahala sa bansa.
Nabatid na nakikipag-ugnayan na umano si Poe sa mga TV networks para sa coverage ng kanyang deklarasyon sa pagkandidato sa pagkapangulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.