Pilipinas, pauutangin ng ¥114B ng Japan para sa Metro Manila Subway Project at Bulacan bypass road projects
Maglalaan ng 114 Billion Yen na loan ang pamahalaan ng Japan para sa Pilipinas upang may maipangtustos sa Metro Manila Subway Project at sa pagtatayo rin ng bypass road sa Bulacan.
Bahagi ito ng magandang balita na iuuwi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang pagbisita sa Japan.
Kinumpirma ng Ministry of Foreign Affairs ng Japan na 113.029 Billion Yen ang ipapautang nila sa Pilipinas na babayaran sa loob ng 28 taon matapos ang grace period na 12 taon.
Popondohan nito ang Phase 1 ng Metro Manila Subway Project at ang Arterial Road Bypass Project Phase 3
Ang subway sa Metro Manila ay inaasahang makatutulong sa pagpapaluwag ng trapiko sa Kalakhang Maynila at makababawas sa polusyon habang ang Arterial Road Bypass Project ay direktang komukonekta sa Metro Manila at Central Luzon.
Nakuha ng pangulo ang pledge na ito kay Prime Minister Shinzo Abe sa ginanap na Japan-Philippines Summit meeting sa Tokyo noong Lunes.
Samantala, noong Lunes din, nagkaroon ng pag-uusap sa pagitan nina Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano at Minister for Foreign Affairs Taro Kono hinggil naman sa 15.928 Billion Yen na pondo para sa Cavite Industrial Area Flood Risk Management Project.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.