Ilang infrastructure projects sa Metro Manila, maaantala
Imbis na mapapagaan ang daloy ng trapiko, inaasahang magdudulot pa ng karagdagang sakit ng ulo sa mga motorista sa mga susunod na buwan ang pagka-antala ng mga proyektong pang-imprastraktura ayon sa pahayag ng Metro Manila Development Authority (MMDA) kahapon.
Sa isang pulong kasama ang DMCI Holdings Inc., inihayag ni MMDA Chairman Francis Tolentino na sinabihan sila ng DMCI na mauurong ang pagtatapos ng mga proyektong NAIA Elevated Expressway, Skyway Stage 3 at LRT 2 Extension Project ay maaantala.
Limang buwan na mahuhuli sa deadline ang pagsasakatuparan ng NAIA Elevated Expressway na inaasahang magbibigay ng mas madali at bilis na daan papunta sa mga paliparan na babagtas mula Sales Road sa Pasay hanggang Macapagal Avenue sa Parañaque. Oras na matapos ito, ang biyaheng tinatahak ng 24 minuto ay magiging 8 minuto na lamang.
Ang nasabing proyektong nagkakahalagang P15.86 bilyon ay tinatarget sanang matapos Oktubre ng taong ito, tamang tama sana sa nakatakdang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) sa Nov. 18-19. Ngunit dahil hindi ito matatapos sa oras, dadaan ang mga APEC delegates sa Andrews Avenue patungo sa mga venues ng convention.
Imbis naman na December 2017, naurong ng April 2018 ang pagkumpleto sa proyektong Skyway 3 na inaasahang magpapagaan ng trapiko sa EDSA dahil ang nasabing expressway ay babagtas naman mula Buendia hanggang Balintawak. Mapapababa nito sa 15 hanggang 20 minuto ang pangkaraniwang dalawang oras o higit pang biyahe sa nasabing ruta.
Ani Tolentino, habang isinasagawa ang nasabing proyekto, asahan na ang mabigat na trapiko sa kahabaan ng Osmeña Highway sa Makati at Manila, Araneta Avenue sa Quezon City at iba pang mga lugar na apektado ng konstruksyon.
Samantala ang LRT 2 Extension project naman na sisimulan na sana ng DMCI sa Sept. 17, ay mauurong hanggang Sept. 28 dahil kailangan muna nilang magbigay sa MMDA ng mga pansamantalang traffic signals na ilalagay sa kahabaan ng Marcos Highway.
Pinaalalahanan ni Tolentino ang publiko na makakaranas man sila ng matinding trapiko habang ginagawa pa ang mga nasabing proyekto, malaking ginhawa naman ang dala ng mga ito oras na matapos ang paggawa.
Nang tanungin naman siya kung katanggap-tanggap ba ang mga dahilan ng pagka-antala ng mga proyekto, iginiit niya na maraming dapat isaalang-alang at maaapektuhan ang proyekto tulad na lamang ng mga linya ng tubig at mga isyu ng right of way.
Napag-usapan naman ng MMDA at DMCI na magtatalaga ang DMCI ng mga tagapagsalita sa bawat proyekto na maglalahad ng kasalukuyang estado ng mga ito at ng mga rason sa pagkaantala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.