Pulis na akusado sa Atimonan shootout, babalik na sa serbisyo

 

Pinagbigyan ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang apela ni Supt. Hansel Marantan na makabalik sa serbisyo.

Si Marantan ang pangunahing akusado sa nangyaring shootout sa Atimonan, Quezon noong January 2013, na ikinasawi ng hinihinalang jueteng operator na si Vic Siman at 12 iba pa.

Bilang dating deputy intelligence chief ng Calabarzon police, siya rin ang nanguna sa checkpoint operation na target umano ang grupo nina Siman.

Nasampahan ng kasong multiple murder si Marantan at 12 iba pang pulis dahil sa insidente, at nasibak sa serbisyo isang taon matapos ang insidente matapos mahatulang guilty sa kasong serious irregularity in the performance of duty.

Gayunman, nakalaya si Marantan at ang 10 iba pa niyang kapwa-akusado matapos pagbigyan ng korte na makapag-pyansa noong March 2017.

Samantala, hindi naman naging maganda ang pagtanggap ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald dela Rosa sa desisyon ng NAPOLCOM.

Ayon kay Dela Rosa, hindi sila ang nag-reinstate kay Marantan, at kung siya lang ang masusunod ay hindi niya ito hahayaang mangyari ngunit dumaan ito sa proseso.

Read more...