Mga pulis na naglalagi sa mga casino, pinaiimbestigahan na ni Dela Rosa

 

Pinaiimbestigahan na ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald dela Rosa sa Directorate for Intelligence ang mga pulis na madalas namamataan sa mga casino.

Sa kautusan ni Dela Rosa sa pinuno ng PNP Directorate for Intelligence na si General Gregorio Pimentel, magpakalat ito ng mga operatiba sa Entertainment City sa Parañaque City, para mabantayan ang mga pulis na madalas nakababan sa mga casino.

Kinwestyon ni Dela Rosa kung ano pa ba ang gagawin ng mga ito sa casino kung hindi naman sila namamalagi doon para magsugal.

Hinala ng PNP chief, nagmamatyag na ang mga pulis na ito sa mga posible nilang mabiktima ng kidnap-for-ransom.

Ginawa ni Dela Rosa ang kautusan matapos madawit ang isang pulis opisyal sa Metro Manila sa pagpatay sa junket operator na si Carlos Tan noon lamang October 21.

Ayon kasi kay PNP Anti-Kidnapping Group head Senior Supt. Glenn Dumlao, isa sa mga suspek sa pagdukot at pagpatay kay Tan ay si Supt. Johnny Orme na dati pang intelligence official sa Parañaque City police.

Ani pa Dumlao, madalas mamataan noon si Orme na kasama ang hinihinalang kidnapping leader na si Alex Gosom sa mga sikat na casino sa Resorts World at Solaire.

Sa ngayon ay hindi pa nahuhuli ng mga otoridad si Orme.

Read more...