Sa kanyang isinumiteng counter-affidavit, sinabi ni Balag na hindi siya pwedeng idiin sa kasong murder, violation ng anti-hazing law at obstruction of justice dahil hindi naman napapatunayan pa na hazing nga ang ikinamatay ng biktima.
Wala umanong makakapagpatunay na isinailalim sa hazing ang biktima base sa sagot ni Balag na isinumite sa three-man panel of prosecutors.
Nilinaw rin ng pangunahing suspek sa krimen na hindi rin pwedeng gamiting ebidensya ang kanilang Facebook chat dahil hindi naman ito authenticated.
Nauna nang sinabi ng Manila Police District na malinaw sa nasabing online chat kung paanong tinangka ng mga miyembro ng fraternity na itago ang kanilang pananagutan sa pagkamatay ni Castillo.
Sa kanyang isinumiteng pahayag sa DOJ, nauna nang sinabi ng isa pang miyembro ng fraternity na si Marc Anthony Ventura na si Balag ang huling miyembro ng grupo na sumuntok kay Castillo bago ito nawalan ng malay.
Si Ventura ay nasa ilalim na ng Witness Protection Progam ng DOJ.