DTI Sec. Gregory Domingo, pakikiusapan ni Pangulong Aquino na manatili sa puwesto hanggang matapos ang APEC
Pakikiusapan ni Pangulong Benigno Aquino III si Trade and Industry Secretary Gregory Domingo na mag-extend sa kanyang trabaho sa Department of Trade and Industry o DTI.
Sinabi ito ng pangulo matapos na kumpirmahin na matagal nang nagpa-alam si Domingo na gusto na niyang bumalik sa pribadong sector.
Ayon sa pangulo, kakausapin niya si Domingo ngayong linggo para pag-usapan kung anong petsa ang gusto nitong effectivity ng kanyang resignation.
Gayunman, sinabi nito na umaasa siya na hindi sila iiwan ni Domingo hangga’t matindi pa ang pangangailangan sa serbisyo nito.
Kung si Pangulong Aquino ang tatanungin, nais niyang manatili si Domingo hanggang matapos ang APEC sa Nobyembre o ang taong 2015.
Samantala, nagpapasaamat siya kay Domingo sa naging serbisyo nito sa kanyang administrasyon.
Aniya, sa liderato ni Domingo lumaki nang anim na beses ang direct investments sa bansa at naging maayos ang pagho-host ng Pilipinas sa Asia Pacific Economic Cooperation o APEC ngayong taon.
Una rito, kinumpirma ni Pangulo na naghain ng resignation si Domingo pero hindi pa niya ito tuluyang tinatanggap dahil wala sa liham nito ang date of effectivity.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.