Mga mayayaman na hindi nagbabayad ng tamang buwis, target ni Duterte
Walang balak si Pangulong Rodrigo Duterte na kunsintihin ang mga mayayaman na nasasanay nang kinakaya lang ang gobyerno.
Ayon sa pangulo, wala siyang utang na loob sa mga mayayaman dahil sa kampanya pa lang ay tinanggihan na niya ang mga alok na tulong ng mga ito.
Dahil dito, desidido siyang habulin ang mga mayayaman na nakikinabang sa benepisyo at proteksyon mula sa gobyerno at gumagamit ng mga kalsada at ari-arian ng pamahalaan nang hindi man lang nagbabayad.
Dagdag pa ng pangulo, kung hindi siya nahalal, hindi niya alam kung masisingil o mababawi pa ba ng pamahalaan ang mga naturang ari-arian.
Talaga aniyang iniwasan niya ang anumang tulong pinansyal mula sa Manila’s 400 society o ang samahan ng mga mayayaman at maimpluwensyang pamilya sa Maynila na binubuo ng mga negosyante at pulitiko.
Muli namang pinaalala ng pangulo ang isa sa mga isinusulong niya noong siya pa lang ay nangangampanya, na puksain ang katiwalian.
Aniya kung noon ay nakakalusot ang mga ito nang hindi nagbabayad ng tamang buwis, ngayon ay hindi na niya pahihintulutan na mangyari ito.
Binanggit pa ng pangulo na kinaya niyang pagbayarin agad ang isang tobacco company at airline company ng kanilang mga kaukulang buwis.
Ang tinutukoy ng pangulo ay ang Mighty Corporation na nagbayad ng P40 bilyong tax liability settlement at ang Philippine Airlines na pumayag na magbayad ng P6 bilyong halaga ng mga fees na ilang taon na nilang hindi nababayaran.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.