Kumpiyansa si Manila Mayor Joseph Estrada na ligtas ang Maynila sa paggunita ng Undas hanggang sa pagsisimula at pagtatapos ng ASEAN Summit ngayong dararting na buwan ng Nobyembre.
Ayon sa alkalde, walang dapat na ikabahala ang milyun-milyong katao na bibisita sa mga sementeryo sa lungsod.
Nagpakalat si Estrada ng tinatayang 1,600 kasapi ng Manila Police at iba pang security forces sa mga sementeryo upang magbantay.
Mula pa noong Oktubre 28 ay sinimulan na ng alkalde ang pagpapakalat ng pulisya hindi lamang ng MPD kundi maging ang National Capital Region Police Office.
Ayon naman kay MPD director Chief Supt. Joel Coronel, 750 pulis ang nakatalaga na sa apat na malalaking sementeryo sa lungsod mula kahapon: Manila North Cemetery sa Sta. Cruz, La Loma Catholic Cemetery, Manila Chinese Cemetery, at Manila South Cemetery.
Mula sa 750 pulis, madagdagdagan pa ito ng 550, sa kabuuang 1,300, sa Nobyembre 1.
Hindi pa dito kasama ang 300 pang pulis na magbabantay naman sa mga transport terminals sa lungsod tulad sa Sta. Cruz, Sampaloc, Ermita, Lawton, at Malate.