Aksidente sa Batasan, maaaring hindi dahil nawalan ng preno kundi sa hindi na-activate na emergency brake
Posibleng hindi dahil nawalan ng preno ang sanhi ng naganap na aksidente sa Batasan, Quezon City kung sangkot ang isang 22-wheeler na truck na may dalang mga malalaking bakal.
Paliwanag ni Alberto Suansing, director ng Confederation of Truckers Association of the Philippines, magkaiba ang pneumatic brake system sa trailer trucks at hydraulic systems na matatagpuan sa mga kotse.
Sa pneumatic brake system aniya, kailangan lamang pindutin ng driver ang isang switch para ma-activate ang emergency brakes ng isang truck.
Sinabi ni Suansing na posibleng nataranta ang driver ng truck kung kaya’t hindi niya nakalabit ang naturang switch na mag-a-activate ng emergency brakes.
Maaari din aniyang naiwasan ang aksidente kung “well trained” ang naturang driver.
Pero sa kasamaang palad, ani Suansing, mahirap ma-determina ang kakayahan ng nagmamaneho ng isang truck lalo na sa Land Transportation Office kung saan hindi ito gaano nasusukat.
Sa nasabing aksidente, hindi bababa sa lima katao ang nasawi ang araruhin ng truck ang isang tow truck, 2 kotse, 1 jeepney at 1 motorsiklo sa San Mateo Road, Barangay Batasan Hills, Quezon City.
Nagdulot din ng mabigat na daloy ng trapiko ang naturang aksidente sa lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.