Sa bisa ng isang search warrant, sinalakay ng mga otoridad ang isang apartment sa naturang lugar.
Natagpuan ng mga otoridad ang ilang mga sachet na naglalaman ng hinihinalang tableta at kapsula ng ecstasy, mga bote na naglalaman ng liquid ecstasy, at isang plastic bag na naglalaman naman ng mga tuyong dahon ng marijuana.
Sa naturang operasyon ay nasakote ng PDEA ang hinihinalang tulak ng droga na si Jerome Cheng at partner nitong si Phil Angelo.
Ayon kay PDEA – National Capital Region Director Levi Ortiz, isang buwang sumailalim sa surveillance si Cheng na nagbebenta ng ecstasy sa mga high-end bars sa Quezon City.
Napag-alaman na galing pa sa ibang bansa ang ecstasy.
Hindi naman na itinanggi ni Cheng ang pagbebenta ng iligal na droga. Ngunit aniya, hindi lahat ng mga nakumpiskang iligal na droga ay kanyang pagmamay-ari.
Ayon pa kay Cheng, hindi sangkot si Angelo sa pagtutulak ng droga.
Samantala, ayon sa mga operatiba ng PDEA, sasailalim sa laboratory examination ang mga nakumpiskang iligal na droga mula sa apartment ni Cheng.