Nagsisimula nang dumagsa ang mga pasahero na uuwi sa kani-kanilang mga probinsya para sa paggunita ng Undas.
Sa Araneta Bus Terminal sa Cubao, Quezon City na isa pangunahing terminal sa Metro Manila, madaling araw pa lamang ay nakapila na ang ilang mga pasahero na excited nang makauwi at makabisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Pero kung ang mga dispatcher ng bus companies ang tatanungin, kaunti pa lamang ang mga pasahero na kanilang na-accomodate.
Sa Dimple Star na may byaheng, Iloilo, Capiz, Aklan at Antique, hindi pa fullybooked ang kanilang mga byahe at kaunti pa lang ang may advanced booking.
Kapareho rin ang sitwasyon sa Mega Bus Line na marami pang bakante ang mga byaheng Tagbiliran, Bohol, Catarman at Tacloban.
Mahigpit ding ipinatutupad ang seguridad sa terminal kung saan ibinubusisi ang bawat dalang bagahe ng mga pasahero.
Inaasahan namang mas madadagdagan pa ang bilang ng mga pasahero sa naturang terminal sa Lunes, October 30, dahil special non-working Holiday ang October 31.
Samantala, magsasagawa rin ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng inspeksyon sa iba’t ibang bus terminal sa Lunes para matiyak ang ‘level of preparedness’ ng mga ito.