Naglabas na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng preventive suspension order laban sa operator ng truck na umararo sa ilang sasakyan sa Batasan Hills, Quezon City na ikinasawi ng lima katao.
Ayon kay LTFRB spokesperson Aileen Lizada, ipapatawag nila sa isang hearing sa December 5 ang operator na Golddust Transportation Services.
Ito ay upang pagpaliwanagin ang kumpanya kung bakit hindi dapat suspindehin o tanggalin ang kanilang prangkisa na hanggang 2018 na lang agn validity.
Samantala, hindi naman aniya sila maaring magkomento tungkol sa road worthiness ng nasabing truck dahil sakop na ito ng mandato ng Land Transportation Office (LTO).
Ang nasabing aksidente ay kinasangkutan ng trailer truck na may bitbit na mga bakal na poste, isang towing truck, isang Toyota Avanza, isang Toyota Vios, isang jeep, dalawang tricycle at dalawang motorsiklo.
Lima ang nasawi habang 14 naman ang nasugatan sa malagim na aksidente.