Naisailalim na sa inquest proceedings sa Quezon City Prosecutor’s office ang driver ng truck na nasangkot sa malagim na aksidente sa San Mateo – Batasan Road noong Huwebes.
Sinabi ni PO2 Enrico Viterbo ng Quezon City Traffic Sector 5 na ang mga inihaing reklamo laban sa truck driver na si Nilo Calimutan ay reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries at damage to properties.
Ito ay dahil sa pagkasawi ng limang indibiwal at pagkasugat ng labingapat na iba pa sa aksidente.
Nauna nang sinabi ni Calimutan na nawalan ng preno ang truck na kaniyang minamaneho dahilan para maararo niya ang mga sasakyan at madaganan pa ng bakal ang ilang biktima.
Humarap sa inquest ang mga kapamilya ng mga namatay at sugatan habang ang iba naman ay mga kaanak na lamang dahil nagpapagaling pa ang mga biktima.
Sa panayam naman kay Calimutan, na sugatan din, humingi siya ng tawad sa lahat ng mga namatay at nadamay sa aksidente.
Sana raw ay unawain dahil hindi naman niya sinadya ang pangyayari.
Ayon kay Calimutan, nagpasabi na raw ang kanyang amo na siya’y tutulungan sa mga kinakaharap na kaso.