Dahil maghapong babad sa ilalim ng matinding sikat ng araw, isang dermatology center na may mga skin care and beauty products ang tumugon sa panawagan ng mga Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) na mapagkalooban ng sunblock at iba pa pang produktong magbibigay proteksyon sa balat ng kanilang mga tauhan na nagmamando ng traffic sa EDSA.
Aabot sa 180 na bag na may lamang mga sabong pampaputi, lotions at mga sunlblock ang ibinigay ng isang beauty expert company at dermatology center sa PNP – HPG para sa mga tauhan nito na nangangasiwa ng traffic sa kabahaan ng EDSA at lantad sa init ng araw.
Bawat bag ay naglalaman ng sabong pampaputi at lotion para sa mga babae at sabong pampaputi at sunblock para sa mga lalaki.
Mismong si PNP-HPG Director Arnold Gunnacao ang tumanggap ng mga donasyong sabon, sunblock at lotion para sa kaniyang mga tauhan.
Una nang sinabi ng pamunuan ng HPG na nangangailangan ang kanilang mga tauhan ng sunblock dahil walang alisan ang mga ito sa lugar kung saan sila itinalaga para magmando ng traffic.
Kahit matindi ang init sikaw ng araw, tuloy ang kanilang pagseserbisyo sa EDSA.
Maliban dito, ang mga tauhan ng HPG na nagta-traffic sa EDSA ay nabigyan na rin ng mga bota at kapote bilang proteksyon naman sa malakas na buhos ng ulan at pagbaha na nararanasan sa Metro Manila kapag gabi.