DILG inatasan ng Ombudsman na agad ipatupad ang dismissal kay Iloilo City Mayor Jed Mabilog
Kinumpirma na ng Office of the Ombudsman ang pagsibak nito kay IloIlo City Mayor Jed Patrick Mabilog sa serbisyo.
Inatasan na ng Ombudsman ang Deparment of Interior and Local Government o DILG na ipatupad sa lalong madaling panahon ang dismissal order laban kay Mabilog.
Sa labing tatlong pahinang desisyon na may petsang August 29, sibak sa serbisyo si Mabilog matapos mahatulang guilty sa kasong serious dishonesty dahil sa kabiguang ipaliwanag ang umano’y kwestiyonableng pagtaas sa yaman nito mula 2012 hanggang 2013.
Ang desisyon ay inaprubahan ni Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang noong October 6, 2017.
Bukod sa pag-alis sa pwesto kay Mabilog, kanselado na rin ang kanyang civil service eligibility, hindi na makatatanggap ng retirement benefits at diskwalipikado nang maupo sa anumang posisyon sa gobyerno.
Matatandang noong 2015 nang sampahan ni dating Iloilo provincial administrator Manuel Mejorada ng kasong plunder, dishonesty, grave misconduct at perjury si Mabilog.
Inakusahan ni Mejorada si Mabilog ng maanomalyang pagkamal ng aabot umano sa P8.9 million dahil tumaas ang net worth nito sa P68.3 million noong 2013 mula sa P59.4 million noong 2012, batay sa SALN nito.
Pero katwiran ni Mabilog, ang pagtaas ng kanyang net worth ay bunsod ng mga kinita ng kanyang misis, na isang comptroller sa Canada, at iba pang mga investment.
Ngunit ayon sa Ombudsman, bigo si Mabilog na maghain ng mga ebidensya ukol sa income ng kanyang asawa at umano’y investment nila.
Dagdag ng anti-graft body, ang hindi paglalabas ng ebidensya ni Mabilog ay may intensyong itago ang tunay na pinagmulan ng tunay nitong yaman.
Si Mabilog ay naging kontrobersyal matapos ibunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kasama ang alkalde sa narcolist o listahan ng mga politikong sangkot sa ilegal na droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.