Mahigit 5,000 pulis ipapakalat ng NCRPO sa mga sementeryo sa Metro Manila
Kabuuang 5,355 na mga pulis ang ide-deploy ng National Capital Region Police Office o NCRPO, upang tiyaking mapayapa at ligtas para sa publiko ang paggunita sa panahon ng Undas.
Ayon kay NCRPO Chief Oscar Albayalde, ang mga pulis ay ipapakalat sa walumpu’t dalawang sementeryo; dalawampu’t isang columbaria; isang daan at walumpu’t dalawang simbahan; pitumpu’t limang bus terminals; dalawang pantalan; at apat na paliparan sa Kalakhang Maynila.
Umpisa sa Lunes (October 30), ani Albayalde, ay idedeploy na ang skeletal force habang sa Martes at Miyerkules (October 31 at November 1) ay idedeploy na ang lahat ng mga personnel.
Posible aniyang hanggang November 2 ay nakadeploy pa rin ang mga pulis sa mga sementeryo, hanggang sa maibalik na sa normal ang lahat ng operasyon.
At bagama’t nakatutok ang mga pulis sa mga sementeryo at sa ibang pang lugar na buhos ang mga tao, sinabi ni Albayalde na may security patrols na mag-iikot-ikot sa mga residential area upang mapigilan ang mga krimen tulad ng akyat-bahay, pananalisi, at iba pang modus.
Aalalay naman sa mga pulis ay nasa 3,704 barangay tanods, 9,163 security guards, at 1,067 civilian volunteers o sa kabuuang 13,934 para masiguro ang kaligtasan ng mga taong dadagsa sa mga sementeryo.
Sinabi ni Albayalde na makikipag-ugnayan ang NCRPO sa mga lokal na pamahalaan at kaukulang ahensya ng gobyerno para sa deployment ng mga trak ng bumbero, ambulansya at iba pang kinakailangan sakaling may emergency.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.