Pangulong Aquino, nag-utos ng stand-down sa Mamasapano ayon sa abogado ni Napeñas
Kung katotohanan ang hanap ni Pangulong Benigno Aquino III sa pagsasalita sa Mamasapano operation, ang unang dapat niyang sagutin sa madla ay kung nag-utos ba siya ng stand-down na naging dahilan kung bakit hindi naka-ayuda ang Armed Forces of the Philippines sa mga naipit at napalabang puwersa ng Special Action Forces ng Philippine National Police.
Ito ang hamon sa pangulo ng abogado ni retired at SAF-Commander Director Getulio Napeñas na si Atty. Vitaliano Aguirre sa panayam ng Radyo Inquirer.
Ayon kay Aguirre, malinaw sa mga naging salaysay ng mga opisyal ng Armed Forces na may utos silang tinanggap bandang alas otso pa lamang ng umaga na nagpipigil sa pagtulong sa mga tropa ng PNP-SAF.
” Malinaw po iyan eh, kung rereviewhin lang ninyo, doon sa tanong ni Senator Nancy Binay kina Roxas, Gazmin, hindi sila makasagot. Hindi nila maipaliwanag alam pala nilang mag ganong labanan, anong sinabi nila sa Pangulo nung duamting na? Wala sa kanilang makasagot. Ito ang logical explanation kung bakit despite the fact that as early as 8am of January 25 ay nag-meeting na sila pero hanggang white phosphorus artillery fire lang ang ginawa mga 4:30 in the afternoon,” ayon kay Aguirre.
Binalikan ni Aguirre ang hearing sa Senado at ipinaalalang ito ang tanging tanong na iniwasan ng mga inanyayahan sa hearing na pinangunahan ni Senador Grace Poe.
Maging ang ibang mga senador aniya ay nangiming usisain ang bagay na ito na ayon sa abogado ni Napeñas ay siyang pinakamahalagang tanong na hindi nasagot sa ginawang pagdinig ng senado. “Natakot maging ang mga senador,” ani Aguirre.
Kung naka-ayuda ang mga pinakamalapit na puwersa ng militar na may kakayanang tulungan ang mga naipit at napalabang puwersa ng PNP-SAF, hindi sana namatay ang 44 na opisyal at tauhan nito na karamihan ay bahagi ng blocking forces.
Pabor si Aguirre na buksang muli ang imbestigasyon ng Mamasapano dahil marami pa anila silang ebidensiyang ilalabas na magpapatunay ng kung sinu-sno ang may pananagutan sa kapalpakan ng Mamasapano operation.
Sa kanyang pinakahuling pahayag sa media, sinabi ni Napeñas na ang Oplan Exodus ay alam at may basbas ng pinakamataas na opisyal ng bansa-bagay na hindi niya dating direktang mabanggit noong siya ay aktibong opisyal pa ng PNP-SAF.
“Pag-usapan natin ang katotohanan at dito na tayo magkaalaman, may nag-utos ba ng stand-down noong umaga ng January 25?” giit na tanong ni Aguirre.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.