Sa unang pagkakataon matapos ang sampung taon, muling bibisita sa bansa si Chinese Premier Li Keqiang.
Ito ang inanunsyo ni Chinese Embassy Counsellor Ethan Yi Sun sa kanyang talumpati sa China-Philippines Dialogue 2017.
Ani Sun, bibisita si Li sa Nobyembre at iba pa ito sa kanyang pagdalo sa magaganap na Association of South East Asian Nations Summit na pamumunuan ng Pilipinas sa kaparehong buwan.
Hindi pa anya rin sigurado kung dadalo nga ang Premier sa ASEAN.
Hinihintay pa nila ang official announcement mula sa Foreign Minisrty tungkol sa magiging schedule ni Li sakaling umalis na patungong Pilipinas.
Gayunpaman, sinabi ni Sun na nakatakdang makipagpulong si Li kina Pangulong Duterte, Senate President Koko Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez.
Nagbigay din ng pahiwatig ang opisyal sa mga proyektong posibleng i-grant ng China sa Pilipinas sa ilalim ng Belt and Road Initiative ng kanilang bansa at Build Build Build projects ng administrasyon.
Kabilang dito ang pagtatayo ng mga tulay sa Pasig River, konstruksyon ng bagong Kaliwan Dam, Chico River pump irrigation project at ang South line ng North-South railway.
Iginiit ni Sun ang nagiging magandang ugnayan ng China at Pilipinas sa kasalukuyan at sinabing mabuting kaibigan ang China sa panahon ng pangangailangan.