Sundalong pinugutan ng ulo ng Maute Terror Group, inilibing na
Inihatid na sa kanyang huling hantungan ang sundalong pinugutan ng ulo sa Marawi.
Ang biktima na si Corporal Nestie Tecson, tubong Zamboanga del Sur at miyembro ng Scout Ranger Class 200 ay kabilang sa mga frontliners na nasawi sa pakikipagbakbakan sa ISIS-inspired Maute group.
Napaulat na nawawala ang biktima noong October 14 at napag-alamang naipit at nasukol ng mga miyebro ng Maute group.
Nabawi ang wala ng ulo niyang katawan noong October 22 at iniuwi sa kanilang bahay nitong Martes, October 24.
Sa kanyang libing, ibinigay ang military honors bilang pagpupugay sa kanyang kabayanihan.
May anak na pitong taong gulang na batang lalaki si Tecson at nakatakda sanang magpakasal sa girlfriend niyang si Diana Figuracion.
Labis naman ang paghihinagpis ng kuya niyang si 2nd Lutenant Nestor Tecson na sinisisi ang sarili sa pagkamatay ng kapatid.
Hindi na anya sana niya kinumbinse ang kapatid upang maging sundalo.
Ani pa ni Nestor, hindi katanggap-tanggap ang brutal na pagpatay sa kanyang kapatid.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.