Extension ni AFP chief Gen. Guerrero, suportado ni Lorenzana
Bagaman magsisimula pa lang sa kaniyang mga tungkulin bilang bagong hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP), inihayag ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na suportado niya ang posibleng extension ni Lt. Gen. Rey Leonardo Guerrero.
Nasa dalawang buwan na lang kasi ang natitirang panahon bago maabot ni Guerrero ang mandatory retirement age, na nangangahulugan din ng pagbaba niya sa pwesto.
Ayon kay Lorenzana, sang-ayon siya dito dahil ano pa ang magagawa ni Guerrero sa loob lamang ng dalawang buwan.
Aniya kung mae-extend si Guerrero nang mahaba-habang panahon, magagampanan niya ang kaniyang trabaho bilang AFP chief of staff.
Kahapon lamang ay naipasa na kay Guerrero ang responsibilidad na pangunahan ang AFP matapos mag-retiro si Gen. Eduardo Año.
Gayunman, pagsapit ng December 17 ay maaabot na niya ang mandatory retirement age na 56.
Sakali man na hindi siya i-extend ni Pangulong Rodrigo Duterte, siya na ang AFP chief na may pinaka-maiksing panahon ng paglilingkod.
Sa kasalukuyan kasi ay si dating AFP chief Gen. Benjamin Defensor ang may record na pinakamaiksing tenure na wala pang tatlong buwan mula noong September 10, 2002 hanggang November 28, 2002.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.