Mga fire station, ilalagay sa heightened alert status para sa Undas
Ilalagay sa heightened alert status ang lahat ng mga fire station na nasa ilalim ng Bureau of Fire Protection (BFP) simula bukas, October 27 hanggang November 2 para sa paggunita sa Undas.
Ayon kay Interior and Local Government officer-in-charge Catalino Cuy, inutusan na rin niya ang BFP na magsagawa ng fire safety inspections sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng tao ngayong Undas.
Kabilang sa mga lugar na ito ay ang transport stations, terminal ng bus, pier, chapel, columbaria at mga pampubliko at pribadong sementeryo.
Dagdag pa ni Cuy, magdedeploy ng mga ambulansya at emergency medical teams mula sa BFP sa mga pampublikong lugar at iba pang strategic locations.
Bukod dito, magsasagawa din aniya ang mga tauhan ng BFP ng isang community information drive sa iba’t ibang lugar, mamimigay ng flyers para sa fire safety tips.
Nagpaalala naman ang BFP sa publiko na tiyaking nakatanggal sa mga saksakan ang lahat ng appliances bago umalis ng bahay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.