Pangulong Duterte, byaheng Japan ngayong linggo – DFA
Muling lilipad patungong Japan si Pangulong Duterte ngayong linggo upang mas mapalawig pa ang relasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Ito ang inihayag ng Department of Foreign Affairs kagabi.
Ayon sa DFA, tatagal ang pangulo ng tatlong araw sa Japan o mula October 29 hanggang 31 upang makipagpulong kay Japanese Prime Minister Shinzo Abe.
Bukod sa mga isyu sa aspeto ng ekonomiya, industriyalisasyon, seguridad at panlipunan, inaasahang pag-uusapan din ang mga isyung panrehiyon partikular ang “peace and stability” sa Korean Peninsula.
Inaasahan ding mapag-uusapan ng dalawang pinuno ang mga paksang may kinalaman sa chairmanship ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ngayong taon.
Nakatakda ring makapulong ni Pangulong Duterte ang ilan pang matatas na opisyal ng Japan.
Samantala, ang revisit na ito ng Pangulo ay kinumpirma na rin ni Japanese Chief Cabinet Secretary Yoshihide Suga sa isang pulong balitaan sa Tokyo.
Magaganap ang pagpupulong sa pagitan ni Duterte at Abe ilang araw lang matapos ang pulong na magaganap sa pagitan nina US President Donald Trump at ng Japanese Prime Minister ngayon ding linggo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.