DOJ di makikialam sa pagkakasabit sa droga nina Drilon, Roxas at Mabilog
Dumistansya ang Department of Justice sa usapin na nag-uugnay kina Senador Franklin Drilon, dating Interior and Local Government Sec. Mar Roxas at Iloilo City Mayor Jed Mabilog sa droga.
Ginawa ito ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre sa harap ng mga tanong kung ano ang gagawin nito sa impormasyon ng sinasabing bagman ng Beria drug group na si Ricky Sereño na nagdadamay sa senador, sa dating kalihim at ang alkalde sa drug operation sa Panay island.
Paliwanag ni Aguirre, may direktiba na kasi si Pangulong Rodrigo Duterte na ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang magiging lead agency sa anti- illegal drug campaign ng administrasyon.
Ibig sabihin, lahat ng mga impormasyon na makukuha ng Philippine National Police, National Bureau of Investigation at iba pang ahensya ay dapat ipaubaya sa PDEA.
Ang PDEA na aniya ang magpapasya kung anong susunod nitong hakbang o gagawin sa impormasyon na natanggap nito.
Mayroon din aniyang opsyon ang PDEA na ibalik ang impormasyon sa PNP halimbawa para sa karagdagang imbestigasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.