Apat na palengke sa Maynila nagpatupad ng Market holiday
Hindi nagbukas ng kanilang mga pwesto ang mga nagtitinda sa apat na palengke sa Maynila bilang bahagi ng ipinatutupad nilang market holiday.
Ang market holiday ay pagpapakita ng protesta ng mga vendors sa plano ng lokal na pamahalaan ng Maynila na isapribado ang mga palengke sa lungsod.
Sa Sta. Ana Market, bagaman maagang dumating sa palengke ang mga vendors ay hindi sila nagbukas ng kani-kanilang mga pwesto.
Sa halip, nagsagawa ng programa ang mga vendors na nakatakda ding mag-martsa patungo sa Manila City Hall para umapela kay Manila Mayor Joseph Estrada.
Dahil sa protesta ng mga nagtitinda sa Sta. Ana Market, ang mga namamalengke ay nagtungo na lamang sa kalapit na pamilihan sa Kalentong Market na sakop na ng Mandaluyong.
Ayon kay Sta. Ana Public Market Vendors Association (SAPMVA) president Olympia S. Bichara, tutol sila sa gagawing paggpapatibag ng palengke para magpatayo ng bago.
Sinabi ni Bichara na kung kalinisan lang naman at kaayusan ang pag-uusapan, wala namang marereklamo sa Sta. Ana Market dahil malinis ang kanilang palengke at magkabukod pa ang kanilang wet at dry market.
Samantala, parehong sitwasyon din ang dinatnan ng mga mamimili sa iba pang palengke sa Maynila na nakilahok sa market holiday kabilang ang Trabajo Market, Quinta Market at San Andres Market.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.