Panibagong testimonya ni Solano sa Atio Castillo case binalewala ng MPD

Radyo Inquirer

“Magkita kita na lang kami sa korte”.

Ito ang mensahe ni Manila Police District Director Chief Supt. Joel Coronel kay Aegis Juris member John Paul Solano.

Ito ay matapos igiit ni Solano sa kanyang counter affidavit na inatake sa puso si Horacio “Atio” Castillo III na nagresulta sa kamatayan nito at hindi sa hazing na ginawa ng kanilang grupo.

Sinabi ni Coronel na hindi na dapat paniwalaan pa si Solano dahil ilan beses na itong nagsinungaling.

Magugunitang naunang sinabi ni Solano na nakita niya ang walang malay na si Castillo sa isang bangketa sa Tondo at isinugod nila ito sa Chinese General Hospital at doon siya idineklarang dead-on-arrival.

Pero makalipas ang ilang mga araw ay binawi niya ang nauna niyang testimonya makaraang mabisto na miyembro siya ng fraternity na nasa likod ng pag-hazing sa biktima.

Sinabi ni Coronel na isang medical technologist lang si Solano at mas may awtoridad naman ang mga doctor ng MPD-SOCO sa usapin ng resulta ng otopsiya sa mga labi ni Atio

Giit pa ni Coronel, tiwala sila na mahahatulan na guilty ang mga kinasuhan nila base sa mga nakalap na mga ebidensiya sa kaso.

Read more...